Ika-54 na Anibersaryo ng Batas Militar

Ngayong ika-21 ng Setyembre, ating ginugunita ang paglagda sa Proklamasyon Blg. 1021, na siyang naging simula ng walong taon at apat na buwang dahas ng Batas Militar sa ating bansa. Laganap ang marahas na pagdanak ng dugo, pagyurak sa karapatang pantao at, higit sa lahat, ang malawakang pang-aapi sa sambayanang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ginamit ni Marcos Sr. at ng kanyang mga kroni ang prinsipyo ng diplomasya upang isulong ang kanilang mga pansariling interes. Inabuso ng diktadurang ito ang 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations upang itakas ang malaking halaga ng nakaw na yaman at maitago ito sa kanyang mga personal na foreign accounts. Bukod dito, ginamit ng administrasyong Marcos Sr. ang ugnayang panlabas at mga kasunduang bilateral upang mangutang ng bilyun-bilyong piso upang pondohan ang hindi mabisang programang pang-imprastraktura na nagsilbi sa edifice complex ni First Lady Imelda Marcos.
Higit sa lahat, ginamit din ng rehimeng Marcos Sr. ang diplomasya upang mapanatili ang pagka-tuta nito sa imperyalistang Estados Unidos at maisulong ang interes ng rehimen. Mula sa pagpapatibay ng Investment Incentives Act at Export Incentives Act, ay tuluyang binukas ni Marcos Sr. ang Pilipinas sa pangdayuhang kapital na siyang mas lalong binaon ang Pilipinas sa utang. Bukod pa rito, sa gitna ng libo-libong naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao at extrajudicial killings sa bansa, nagpatuloy rin ang daloy ng pondo at aid packages mula sa Estados Unidos, na naging mahalagang pinagmumulan ng mga pondong lihim ni Marcos Sr. Sinupil din ang kalayaan sa pamamahayag at tuluyang hinarap ng mga mamamahayag, manunulat, at alagad ng sining ang censorship at pang-aabuso. Sa madilim na kabanata ng ating kasaysayan, nabuhay sa takot ang mga estudyante, aktibista, at sambayanang Pilipino, habang ang karahasan ng militar ay nagbanta sa kanilang pagtindig at pakikibaka.
Ngayon, isa na namang Marcos ang nakaluklok sa Malacañang. Limampu’t apat na taon ang lumipas mula sa deklarasyon ng Batas Militar, ngunit parehong apelyido at parehong suliranin pa rin ang hinaharap ng ating lipunan. Mula sa dahas na puwersa ng estado at katiwalian ng halal na pinuno, hanggang sa patakarang nakaayon sa dayuhang interes sa kapinsalaan ng soberanya, kabuhayan, at likas na yaman, malinaw na nananatili ang bulok na sistema sa ating bansa.
Bilang mga Diplomat ng Bayan, kinikilala natin ang tungkuling kaakibat ng ating plataporma—ang parangalan ang mga nagdusa at pinaslang noong Batas Militar, at itaguyod ang isang kasaysayang tapat sa kanilang mga karanasan, malaya sa mapanirang puwersa ng rebisyunismong pangkasaysayan at propaganda. Sa ika-54 na anibersaryo ng kasuklam-suklam na rehimeng ito, tungkulin nating isapuso at isabuhay ang mga prinsipyong ipinaglaban ng ating mga kababayan. Ang kanilang pakikibaka ay bahagi ng ating kasalukuyang laban para sa hustisya at pananagutan para sa isang lipunang hindi na muling magpapahintulot sa mga pagkakamali ng nakaraan.
Never Again. Never Forget.
Sources:
Chicago Tribune. (1986, March 4). Philippines sues to get cash crates from Marcos Luggage. Chicago Tribune. https://www.chicagotribune.com/1986/03/04/philippines-sues-to-get-cash-crates-from-marcos-luggage/
Darden, J. T. (2016). Aiding and abetting: Preface . Stanford University Press. https://www.sup.org/books/politics/aiding-and-abetting/excerpt/preface
de Villa, K. (2017, September 16). Imelda Marcos and her ‘edifice complex’. INQUIRER.Net. https://business.inquirer.net/236962/imelda-marcos-edifice-complex







Comments